Asul na Tinta

Sabi nila, kapag ang mga titik ay nakasulat sa pamamagitan ng asul na tinta, mas madali itong matatandaan…. Mas madaling tinatanggap ng utak. Mas madali itong mananatili sa ating isipan… Mas makasisigurado kang hindi mo ito makakalimutan…

Akala ko ikaw na.

Akala ko ikaw na ang taong makakapiling ko habang buhay. Akala ko ikaw na ang taong maghahatid sa akin ng ligaya. Akala ko ikaw na ang taong mapaglalaanan ko ng pag-ibig ko.

Kaya inilagda ko ang pangalan mo sa puso ko sa pamamagitan ng bughaw na tinta. Kaya naiguhit ko sa isip ko ang imahe ng iyong ngiti at tawa. Kaya naiukit ko sa aking kaluluwa ang alaala ng iyong halik at yakap.

Ngunit hindi pa pala ikaw.

Hindi pala ikaw ang liwanag na aking hinahanap. Ang pag-ibig ko ay hindi pala ang pag-ibig na iyong hinahanap. Ang init na dala ng hawak mo ay hindi pala ang init na madarama ko hanggang sa dulo.  Hindi pala ang lakas ko ang magtatawid sa iyo sa kaginhawaan.

Ngunit anong gagawin ko ngayon, kung kasing bughaw ng dagat ang tintang nag-ukit sa puso ko ng mga mata mong nagmimistulang tala sa aking paningin? Mga matang tilang sinasabing mahal mo ako.

Anong gagawin ko, kung kasing asul ng himpapawid sa umagang maaliwalas ang kulay na nagsulat ng matatamis mong salita sa aking diwa? Mga salitang nakabibighani at nagtutulak sa akin upang patuloy na lumaban sa mapangahas na daloy ng buhay.

Ano nga ba ang magagawa ko, kung kasing bughaw ng pinakamatingkad na asul ang gumuhit sa aking kaluluwa ng lahat ng alaala natin noong tayo ay masaya pa? Mga alaalang hindi na madadagdagan pa.

Wala na akong magagawa.

Wala na akong magagawa kundi pilit na burahin ang markang iniwan ng asul na tintang ginamit ko para itala ang lahat ng alaala ko sa iyo… sa atin.

Paulit-ulit na huhugasan ang puso… ang diwa… ang kaluluwa… hanggang sa mawala ang mantsa na iniwan ng pag-ibig ko sa iyo na nag-uumapaw pa rin hanggang ngayon.

Paulit-ulit na na pipiliting matanggal sa aking puso… sa aking diwa… sa aking kaluluwa… ang bahid ng iyong pag-ibig na bigla na lang nawala.

Ngunit lalo lamang kumakalat ang asul na kulay sa aking puso, diwa at kaluluwa. Lalo lamang kumapit ang kulay sa kaibuturan ng aking pagkatao. Lalo lamang nagmantsa ang kulay na iniwan mo.

Sabi nila, kapag ang mga titik ay nakasulat sa pamamagitan ng asul na tinta, mas madali itong matandaan…. Mas madaling tinatanggap ng utak. Mas madali itong mananatili sa ating isipan… Mas makasisigurado kang hindi mo ito makakalimutan…

Ito nga siguro ang dahilan, kung bakit hanggang ngayon ay nandito ka pa rin sa aking puso.

At ngayo’y naghahanap ako ng tintang mas matingkad sa kulay na ibinigay mo sa buhay ko.


6/27/16 7:09 pm || 12/27/16 4:15 pm

GIF by Justine Brooke Chua.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Create a website or blog at WordPress.com

Up ↑

%d bloggers like this: