Sa Wakas

Hirap na hirap na ako.

Hirap na hirap na akong intindihin itong damdamin ko. Ano ba talaga ang nararamdaman ko para sayo? Gulong-gulo na ako.

Ang alam ko, sa bawat araw na pagpasok sa unibersidad, umaasa akong masisilayan kita. Kahit saglit lang, kahit sandali lang, ayos na. Basta makita kita, pakiramdam ko buong-buo na ang araw ko. Pakiramdam ko ay kaya ko ng harapin ang anumang ihatid sa akin ng tadhana.

Gusto pa rin kita makita kahit alam ko na kung ano ang naidudulot ng presensya mo sa akin.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos mula noong makilala kita, tuwing makikita kita, lagi na lang akong natataranta. Ang gulo ko, ano? Lagi na lang akong nakaalerto sa presensya mo. Nasa paligid ka lang ba? Nakikita mo ba ako? Naririnig mo ba ang tinig ko? Seryoso, ang hirap. Ayaw gumana ng utak ko kapag malapit ka, wala akong maisip na sabihin o gawin. Basta ang alam ko, nanginginig ang mga tuhod ko.

Pangalan mo pa lang naririnig ko, nanlalamig na ang katawan ko. Nagigising ako bigla. Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ewan ko ba anong meron sa iyo. Ewan ko rin kung ano meron sa akin at ganito ang kinikilos ko.

Unti-unti, nagbago ako.

Bago pumasok, nahuhuli ko na ang sarili kong pinag-iisipan kung ano ang isusuot ko dahil baka makita mo ako. Nagugulat ako dahil nagkakaroon ako ng kagustuhang magsuklay at magpolbo. Hindi naman ako ganito dati. Basta nakaligo, nakadamit ng disente, ayos na ako. Pero ngayon, ano nangyari? Kagaya nga ng sabi sa isang kilalang kanta, “You make me want to act like a girl.”

Nang dahil din sa iyo, may natuklasan ako sa sarili ko. Alam mo bang hindi ako natataranta sa harap ng mga tao? Kaya kong dalin ang sarii ko. Ngunit bakit pagdating sa iyo, kahit isang salitang pambati lang hindi ko masabi? Hindi ko alam na may ganito palang bahagi ng pagkatao ko. Salamat sa iyo, nadiskubre ko ito.

Alam kong walang pag-asa. Seryoso, alam kong wala talaga. Pero hindi ibig sabihin noong hindi ako umasa. Hindi napigilan ng kaalaman kong ito na mangarap na makasama ka. Tinatawanan ko na lang ang sarili ko kapag bigla akong natauhan at naliwanagan sa kung ano ba ang iniisip ko: ikaw at ako.

Paghanga lang naman kasi talaga ang nararamdaman ko sa iyo. Ata.  Iyon ang alam ko. Iyon ang akala ko. Pero ang hindi ko alam, sa aking sarili, unti-unti na palang humigit sa paghanga ang naramdaman ko. Unti-unti, dahan-dahan, napaibig mo na ako ng hindi mo man lang namamalayan.

At ngayon…

Ngayon, lumuluha ako. Kung sa saya ba, sa lungkot, hindi ko matukoy. Pero isa lang ang sigurado ko: kasalanan ko ito. Kasalanan kong hinayaan ko ang sarili kong mahulog sa iyo. Hinayaan ko ang sarili kong umasa sa mga pantasiya ko. Naibaba ko na pala ang mga bakod na nagkukubli sa puso ko. At ngayon, nasaktan ako dahil sa isang balitang aking nasagap. Balitang alam kong darating talaga. Sa katunayan, hinintay ko ito. Para makausad na ako sa iyo. Para mapigilan ko na itong puso ko sa pagsigaw ng pangalan mo.

Sa wakas, nalaman ko na, may mahal kang iba.


04/04/15 11:40 pm || 04/05/15 4:36 pm

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Create a website or blog at WordPress.com

Up ↑

%d bloggers like this: